Thursday, May 24, 2007

Kwento

ANG KWENTO NINA LUSONG, SAYAS AT DANAO

Nina Angie, Babes, Chato, Marili at Yna

Noong unang panahon, may isang mabuting babaeng nangangalang Ina. Si Ina ay nagsilang ng tatlong anak na babae: sina Lusong, Sayas at Danao. Inalagaan niya nang husto ang mga anak. At lagi niyang sinasabi sa kanila, “Mahal na mahal ko kayo. Mararamdaman kong mahal n’yo rin ako kung mamahalin n’yo ang isa’t isa.”

Sa kanilang paglaki, ang tatlong bata ay binigyan ni Ina ng mga instrumentong pantugtog -- tambol para kay Lusong, bongkaka para kay Sayas at kubing/gong para kay Danao. Dahil sa pagtuturo ni Ina, ang tatlo ay naging mahuhusay na manunugtog. Nagsilbing inspirasyon nila si Ina. Ang bawat pagtatanghal ay inialay nila sa kanya. Naging sikat na sikat sina Lusong, Sayas at Danao. Ngunit iyon ang naging dahilan ng pag-aaway nila tungkol sa kung sino ang pinakamagaling sa kanilang magkakapatid.

Bungad ni Lusong, “Naku, alam na ba ninyo ang sinasabi ng mga tao? Dahil sa mahusay na pagtatambol ko, pati mga hayop sa gubat ay napapasayaw!”

Wika naman ni Sayas, “Ang mga tao mismo ang nagsasabi na walang kasinggaling ang pagtugtog ko ng bongkaka. Katunayan, napapasayaw pati ang kawayan!”

Hindi nagpahuli si Danao. “Wala ‘yan sa galing ko! Ang tunog ng aking agong ay nagpapalayas sa masasamang espiritu at nagpapasaya sa mga diwata!”

OR

“Ang tunog ng kubing ko’y nagpapaawit sa mga ibon!”

Lumala ang pagtatalo ng magkakapatid. Nalimot na nila ang payo ng kanilang ina. Naisip nila na maghiwa-hiwalay. Si Danao ay namangka papuntang Timog. Si Sayas ay nagpunta sa Kanluran. Si Lusong naman ay nanatili sa Hilaga.

Ang hindi nila alam, sila pala ay sinundan ni Ina. Nagpunta rin si Ina sa mga islang pinuntahan nila. Lungkot na lungkot si Ina. “Sana’y magkasundo at magkaisang muli ang aking mga anak,” ang kanyang dasal.

Ngunit hindi nangyari ang gusto ni Ina. Umuwi siya na masama ang loob.

Lumipas ang maraming tag-araw at tag-ulan. Nagkasakit siya nang malubha at matagal.

Habang patuloy sa pasikatan at pagalingan sina Lusong, Sayas at Danao, nabalitaan nila ang nangyari sa kanilang mahal na ina. Kinabahan sila. Isa-isa silang umuwi. Tuwang-tuwa si Ina sa pagdating ng mga anak, lalo na nang sila ay isa-isang tumugtog. Ito ang muling nagbigay sa kanya ng lakas.

“Natatandaan n’yo pa ba ang payo ko sa inyo noon?” tanong ni Ina. “Uulitin ko, mahal na mahal ko kayo at mararamdaman kong mahal n’yo rin ako kung mahal n’yo ang isa’t isa.”

Nag-isip nang malalim ang tatlo. Nagyakapan sila. Dala ang diwa ng pagmamahalan at pagkakaisa, bumalik ang tatlo sa kani-kanilang mga isla. Naging panatag na ang loob ni Ina.

Lumipas ang mahabang-mahabang panahon, nagkaasawa at nagkaanak sina Lusong, Sayas at Danao. Mula sa kanilang mga pamilya nanggaling ang iba’t ibang tribo at pamayanan sa Luzon, Visayas at Mindanao na bumubuo at nagbubuklod sa Inang Bayan.

Collectively written at 38-B Marikit St., West Triangle, Quezon City, Metro Manila on February 15, 2004.

No comments: